Sunday, June 24, 2018

Tula 06-24 Part 2

Muling binalikan ang nakaraan
Sa panahon na lahat ng oras sayo ay inilaan
Masaya, nakakatuwa, may pagmamahalan
Bawat sandali tila walang hangganan

Oh kay sarap alalahanin
Ang nakaraan na ikaw ay nasa akin
Habang nasa ilalim ng mga bituin
At sa iyong mga mata masayang nakatingin

Muli kong binalikan ang nakaraan
Naalala ang iyong pagbitiw at paglisan
Ang iyong mga pangako na walang katuparan
Ang noon na ngayon ay nasaan

Sinubukang hanapin ang pighati
Ang lungkot ay tila hindi na namumutawi
Puso ay hindi na pira-pirasong nahahati
Sa mga matatamis mong salita na biglang binawi

Binalikan ko ang nakaraan
Nung ikaw ay dumating nang biglaan
At ganoon din kabilis na lumisan
At ang tanong na “Bakit?” lang ang iniwan

Ngunit gaya ng una nang naisambit
Kinalimutan na kitang pilit
Upang mapawi na ang lahat ng sakit
Maialis na sa puso ang galit

Wala na ang sakit
Tapos na ang kahapon na mapait
Kalayaan ng puso ay hindi na ipagkakait
Sariling kaligayahan ay uunahin nang makamit

Maraming salamat sa mga alaala
Panahon na para piliing maging masaya
Sa iyo ay kailangang magpaalam na
Hanggang sa muli aking sinta