Araw araw, oras oras, aking pinipilit
Ang kalimutan ka gaya ng iyong iginigiit
Oo, totoo, lagi kong pinipilit
Upang sakali mawala ang lahat ng sakit
Minsan, madalas gusto ko sayo ay magalit
Para sa pagkakataon na iyong ipinagkait
Para sa pagbitaw mo habang ako’y nakakapit
Para sa pangako ng pagmamahal mo na hindi ko nakamit
Sadya nga yatang ang tadhana ay kay lupit
Pinadama ang saya sa piling mo na tila ay humahagupit
Kahit ang bawat panahon na kasama ka ay parang kinukupit
Ang saya na ngayon ay natapos na at hapdi ang ipinalit
Araw araw, oras oras, lagi kong pinipilit
Ang kalimutan ka gaya ng iyong iginigiit
Upang mapalitan ng tamis ang lahat ng pait
Upang maalis ang sama ng loob na aking bitbit
Gusto ko nang sayo ay magalit
Para mapalitan na ang nararamdamang sakit
Na dulot ng aking mga hinanakit
Sa paglisan mo at maiwan ako sa aking sinapit
Gabi gabi ay nakatingala sa langit
Minamasdan ang mga bituin na para bang mukha mo ay iginuhit
Kinakausap ang buwan at tinanong kung bakit
Bakit? Bakit? Bakit?
Gaya ng iyong iginigiit
Kakalimutan kitang pilit
Kahit ang lahat ng alaala mo sa puso ko’y nakadikit
Kahit pa laging kang nakikita hanggang sa mga mata’y pumikit
Gusto kong sa iyo ay magalit
Ipadama sa’yo ang ibinigay na pasakit
Ngunit ang puso ko’y iba ang inaawit
“Mahal kita” ang katagang patuloy pa ring isinasambit
No comments:
Post a Comment